Lunes, Enero 5, 2015

Rochelle B. Evangelista                                           Marka:
II-BSEd Filipino                                                         Intro sa Pag-aaral ng Wika

Pagkatutong ‘di Natatapos

Ang pagkatuto ay hindi nagsisimula sa pagtapak ng isang mag-aaral sa paaralan. Ang pagkatuto ay hindi nagtatapos sa isang apat na sulok ng silid-aralan. Ang pagkatuto ay hindi lamang nakatuon sa guro at sa kanyang mag-aaral. Bagkus ito'y nagsisimula sa kapiligiran at mga taong nakakasalamuha at kinalakhan nito. Hindi natatapos ang pagkatuto sa isang silid-aralan dahil doon lamang nagsisimula tungo sa pagkatuto. Ito'y walang pinipiling lugar, oras, panahon, edad o maging kasarian. Ang pagkatuto ay hindi lang nakasentro sa guro at mag-aaral sapagkat may mga iba pang kasangkot dito. Ikaw, ako, sila. Tayo. Lahat tayo kasangkot. Dahil ang buhay ay isang patuloy na proseso ng pagkatuto
Ang pagkatutong interaktib ay may layuning tulungang hikayatin ang estudyante na maging parte o bahagi sila sa talakayang pangklase na imbes na maging isa lamang silang tagapakinig na tahimik na nakaupo sa kanilang upuan habang nagsusulat sa kanilang kwaderno o imemorya ang mga kaalaman na nakalap sa paksang tinalakay ng guro. ang mga estudyante ay kailangang magkaroon ng interaksyon hindi lamang sa pagitan ng guro at mag-aaral kundi pati sa kagamitang panturo na ginagamit ng guro sa pagtuturo. ang paghikayat sa estudyante na maging aktibo sa gawaing pang-paaralan at magamit ang imahinasyon at mapatibay ang kanilang kritikal na pag-iisip. Ang pagkatutong interaktib ay may layuning linangin at pahusayin ang apat na kasanayan sa epektibong komunikasyon—pakikinig, pagsasalita, pagbasa, at pagsulat.
Magbunsod ng mas marami at mas malalim na partisipasyon ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga interaktibo at komunikatibong gawain. Paigtingin ang aktibong pagkatuto ng mga mag-aaral gamit ang mga kawili-wiling akdang nagtatampok ng iba't ibang genres. Gawing malinaw at malalim ang pag-unawa ng mga mag-aaral gamit ang mga pagsasanay na kasunod ng mga akda
 Ang mga kaibigan, kaklase, guro at mga taong nakakasalamuha at pagkakaroon ng gawain ay nagpapatibay ng kanilang komprehensyon sa paksa. Ang pagkatutong interaktib ay nagbibigay sa lahat ng estudyante ng oportunidad na matuto ng pangkatan at maipakita ang kanilang kagalingan, abilidad at karanasan upang malinang ang kanilang proseso ng pagkatuto. Maaari ring gumamit ang mga guro ng mga makabagong kagamitang panturo at estratehiya upang mas mahikayat ang estudyante hindi lamang para makinig sa leksyon, makibahagi sa talakayan kundi matuto. Matuto sa sarili, makisalamuha sa iba at matuto ng malaya. Ito rin ay makatutulong upang mas lalong mapalapit ang bawat estudyante sa isa't isa. Ang layunin ng isang guro ay hindi lamang para magturo sa kanyang estudyante bagkus siya rin dapat ay natututo sa kanyang estudyante. Mahalagang malaman ng guro na hindi lang siya nagtuturo, siya rin dapat ay handang tumanggap ng pagkakamali, handang tumanggap ng krisitismo, handang makinig sa anumang oras at handang maging kaibigan sa anumang pagkakataon. Mahalaga ring malaman ng guro na hindi lamang siya nagtuturo o nagbibigay kaalaman bagkus nararapat rin siyang maging parte o bahagi ng pagbuo ng pagkatuto at kaalaman sa silid-aralan, at pag-gabay sa mga estudyante na matuto para sa sarili at sa kanilang sarili.  Bilang isang guro ng hinaharap, natutunang kong nararapat lamang na hayaan ang mag-aaral na makibahagi sa talakayang pangklase. Kailangan rin ng interaksyon hindi lamang sa pagpapahayag ng sariling ideya kundi sa pag-unawa rin sa ideya ng iba.
Tulad ng pagkatutong tulung-tulong, ang pagkatutong interaktib ay nangangailangan rin ng mga kasangkot upang maging matagumpay ang pagkatuto. Ito ay sama-samang pagtuklas ng mga impormasyon at kaalaman tungkol sa wika. Nangangailangan rin ito ng interaksyon sa pagitan ng guro at kanyang estudyante upang ang pagkatuto ay maging mabisa. Kung ang guro ay may nakuhang fidbak mula sa kanyang estudyante ay nangangahulugang naging matagumpay ang kanyang pagtuturo gayundin sa pagkatuto ng mga estudyante.
Halimbawa na lang sa tuwing may diskasyon ang guro, nararapat lamang na magkaroon ng palitang kuro sa pagitan ng guro at mag-aaral. Sa pamamagitan ng pagtatanong ng guro ng mga bagay na kinalaman sa kanilang tinatalakay, maaaring magbigay ng ideya ang mag-aaral kung tungkol ba saan ang paksa. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng ideya ng guro kung ano pa ang dapat malaman ng mag-aaral. Nararapat ring gumawa ang guro ng isang gawain o isang aktibiti na magpapalahok sa mga mag-aaral upang malinang rin ang kanilang pakikisalamuha sa kanilang kamag-aral. Ilang halimbawa na rin ng pagkatutong interaktib ay ang pagbabasa ng isang aklat na kung saan ang mambabasa ay nagkakaroon ng interaksyon sa awtor ng aklat.
Ang pagkatuto ay walang pinipiling lugar, panahon, edad, oras, kasarian o katayuan sa buhay. Ang pagkatuto ay para sa lahat. Dapat isaisip natin na tayo ay pumapasok hindi dahil sa kariwasaang ating makakamtan sa hinaharap, kundi dahil nais nating magkaroon ng kaalaman. Kung pumapasok tayo sa paaralan dahil napipilitan lamang tayo, maaaring nga tayong makatapos subalit malaki ang posibilidad na hindi natin magagamit ang ating mga natutuhan. Magiging pansamantala lamang ang mga ito dahil ang mga bagay na ipinilit malaman ay madaling malilimutan. Magkakaroon tayo ng mapagsikap na gawi kung sasabihin natin sa ating sarili na pumapasok tayo sa paaralan dahil nais nating magkaroon ng kaalaman. Kung ito ang ating isasa-isip, magkakaroon tayo ng masidhing pagnanais na matutunan ang mga bagay na maaari nating magamit tungo sa ating kaunlaran.

Dapat rin nating isaisip na hindi mahalaga man kung gaano karami ang ating nakuha sa isang pagsusulit. Dahil sabi nga ni Thomas A. Edison, “A sheet of a test paper doesn’t decide our future.” Dahil tayo ang gumagawa ng ating sariling kapalaran. Di siya, sila. Tayo mismo. 

2 komento:

  1. Hello po ate, maaari ko po bang idagdag yung impormasyon niyo sa paksa ko pong tatalakayin?

    TumugonBurahin
  2. Hello po ate, pwede ko bang idagdag yung impormasyon na galing po sa inyo, ito po ay angkop sa aking tatalakayin.

    TumugonBurahin