Linggo, Nobyembre 23, 2014

MGA HAKBANG SA PAGBUO NG PAGSUSULIT
Ulat nina: Rochelle B. Evangelista at Karen V. Repones sa Filipino 107
I. Pagpaplano ng Pagsusulit

A. Tukuyin ang layunin ng pagsusulit
1. Sukatin ang kasanayang natutuhan o hindi natutuhan sa loob ng isang semester o taon.
2. Matukoy kung alam na ng mga mag-aaral ang mga kinakailangang kasanayan bago simulan ang isang kurso.
3. Matukoy kung alin sa mga kasanayan sa isang aralin ang alam ng mag-aaral at hindi na kailangang ituro pa.
4. Matiyak kung mabisa ang pamamaraan ng pagtuturo.
5. Matiyak kung mabisa ang mga aklat na ginagamit.

B. Tukuyin ang mga kasanayang susukatin ng pagsusulit.

Ang mga kasanyan ay nakasaad sa talaan ng mga kasanayan na nasa Elementary Learning Competencies para sa elementarya at Philippine Secondary Schools Learning Competencies para sa mataas na paaralan, o mga silabus.

Halimbawa ng mga kasanayan:
Wika: Nagagamit nang angkop at wasto sa pangungusap ang mga bahagi ng pananalita.
Pagbasa: Naibibigay ang pangunahing kaisipan, ideya o paksang binasa.

C. Paghahanda ng Talahanayan ng Ispesipikasyon

Ang Talahanayan ng ispesipikasyon ay isang kagamitang nagpapakita ng isang masistematikong pamamaraan ng pagtatakda ng lawak ng paksang sasaklawin ng pagsusulit at ng bilang ng mga aytem na gagawin para sa bawat kasanayang susukatin.

Dalawang Uri ng Talahanayan:

1. Isahang hanay (one-way grid)
>Karaniwang ginagamit sa mga asignaturang pangkasanayan, "skill subject" gaya ng pagsusulit sa wika at kung minsan ay sa Matematika.

2. Dalawahang hanay (two-way grid)
>Karaniwang ginagamit sa mga asignaturang naglilinang ng hindi lamang kaalaman sa paksa o nilalaman ng kurso kundi maging mga kasanayan sa Agham, Araling Panlipunan at Panitikan.

Paghahanda ng Talahanayan ng Ispesipikasyon:

1. Isulat ang mga layuning pangkagawian (behavioral objectives) batay sa mga kasanayang susulitin.
2. Pagpasyahan kung alin sa mga layunin ang bibigyan ng diin ayon sa kahalagahan ng mga ito. Ipakilala ang pagbibigay diin sa pamamagitan ng pagbabahagdan (percentage). Batay sa bahagdang iniatas sa mga layunin o kasanayan, tukuyin ang bilang o dami ng mga aytem.
3. Pagpasyahan kung anong uri ng pagsusulit ang gagamitin.

II. Paghahanda ng Pagsusulit

A. Isulat ang aytem
Gamitin ang talahanayan ng ispesipikasyon bilang patnubay. Makabubuting sumulat ng higit na maraming aytem kaysa nakasaad sa talahanayan ng ispesipikasyon upang may ipalit sa mga aytem na may kahinaan. Isulat ang bawat kasanayan sa isang papel. Sa ibaba nito, sumulat ng iba't ibang uri ng aytem ayon sa napagpasyahan.
B. Suriin ang mga aytem na isinulat.
Makabubuti kung ipasuri ng isa o dalawang kaguro ang mga aytem. Makabubuting masubok ang mga aytem sa ilang mag-aaral upang malaman kung malinaw ang panuto at ang mismong aytem, kung mapang-akit ang mga distraktor, at kung may aytem na napakadali o napakahirap.

Tiyakin na:
1. Sinusubok ng bawat aytem ang isang kasanayan sa talahanayan ng ispesipikasyon.
2. Akma sa sinusubok na kasanayan ang bawat uri ng aytem.
3. Malinaw na nakasaad ang hinihingi ng aytem.
4. Tama ang kahirapan ng aytem sa mga kukuha ng pagsusulit.
5. Walang mga hindi kailangang salita o pahiwatig ang aytem.
6. Walang kinikilingang isang kultura o relihiyon ang aytem.
7. Hindi kinuha ang mga aytem sa aklat o aklat sanayan.
8. May sapat na dami ng aytem sa bawat layunin sa talahanayan ng ispesipikasyon.

C. Ayusin ang mga aytem sa pagsusulit
1. Pagsama-samahin ang mga aytem na magkakauri.
2. Ayusin ang mga aytem ayon sa kahirapan; mauuna ang madadaling uri ng aytem bago ang mahihirap; halimbawa, ang pagsusulit na may pinagpipiliang sagot ay dapat mauna sa pagsusulit na pagpupuno sa patlang. Ang mga aytem sa bawat uri ng pagsusulit ay dapat ding ayusin.

D. Ihanda ang mga panuto
Gawing simple at maikli ang mga panuto.

Kung mahaba ang pagsusulit na binubuo ng iba't ibang uri ng aytem, sumulat ng panlahat na panuto bukod sa mga tiyak na panuto para sa bawat uri ng pagsusulit (subtest).  Ang panlahat na panuto ay dapat magbigay ng sumusunod na impormasyon.

1. ang lauynin ng pagsusulit
2. ang mga bahagi ng pagsusulit
3. paano ang pagsagot sa mga aytem
4. ang panahong nakalaan sa pagsagot ng pagsusulit

E. Ihanda ang mga sagot sa pagsusulit. Tiyaking isa lamang ang tamang sagot sa bawat aytem.

III. Pagbibigay ng Pagsusulit
IV. Pagwawasto ng mga papel
V. Pagpapahalaga ng pagsusulit.